
Ngayon pa lamang ay handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipatupad ang Supplementary Feeding Program (SFP) sa buong bansa sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 1.5 milyong bata sa Child Development Centers at Supervised Neighborhood Play ang makatatanggap ng hot meal at gatas sa loob ng 120 araw.
Ang SFP na pinaglaanan ng P5.1 8 bilyon pondo ay naglalayong mapagbuti ang nutrisyon ng mga batang Pilipino.
Sa ilalim ng programa, ang taas at timbang ng mga batang nasa edad 2 hanggang 5 taong gulang ay susukatin sa simula at pagkatapos ng programa, at patuloy na babantayan sa buong feeding sessions.
Sabi ni Dumlao, ang mga magulang ng mga bata ay kasama sa pagpaplano at paghahanda ng mga pagkain gamit ang abot-kaya at masustansyang sangkap.
Paliwanag pa ni Dumlao na ang SFP ay ipinatutupad taon-taon matapos itong maisabatas noong 2018 sa ilalim ng Republic Act no. 11037, o ang “Masustansiyang pagkain para sa batang Pilipino Act.”
Matatandaan na noong nakalipas na taong 2024, aabot sa 1,871,165 bata sa buong bansa nakatanggap ng serbisyo sa ilalim ng programa na may pondong P4 bilyon.