INTERNET CONNECTION SA ISOLATED AREAS SA ANDA, SENTRO NG PROYEKTO NG DICT

Libreng internet connectivity sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA)—iyan ang tinututukan ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) matapos pormal na buksan ang GIDA Tower noong Hulyo 23, na magpapalakas ng koneksyon sa mga residente at estudyante ng Brgy. Macaleeng, Anda, Pangasinan.

Sa patuloy na paglawak ng modernisasyon, inilahad ng School Head na si Melly Rose C. Caranay ang limitadong akses sa pagkatuto ng mga mag-aaral na kanilang kinakaharap.

Matapos ilunsad ang Bayanihan SIM at pagbibigay sa kabuuang 2780 estudyante at residente ng libreng sim card na may 25GB na buwanang data kada taon, binuksan ng DICT kasama ang isang internet provider ang GIDA Tower sa barangay.
Kaya umano nitong mapalakas ang internet connectivity ng mga malalapit sa lugar partikular ng eskuwelahan.

Ayon kay Heherson M. Asoddao, ang Undersecretary for Support Services ng DICT, isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalawak ng akses sa internet connection, kung saan uunahin ang mga isolated areas at mga paaralan.

Samantala, nilinaw naman ni Mayor Joganie Rarang ng Anda na ang naturang proyekto ay dapat magamit ng responsable, lalo na ng mga kabataan.

Bukod sa Brgy. Macaleeng, target pang makapagpatayo ng mahigit 50 GIDA Towers sa bansa, kasabay ng rollout ng Bayanihan SIM ng DICT. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments