Sa ilalim ng Convergence Area Development Plan o CADP, nakatakdang itayo ang limang small water impounding systems at sampung solar-powered irrigation systems upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa 150 ektarya ng mga taniman ng high-value crops.
Bahagi rin ng programa ang pagtatayo ng hindi bababa sa 10 kilometro ng slope-protected farm-to-market roads, dalawang kilometrong footbridge, at mga flood control structure upang mapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural at mabawasan ang pinsalang dulot ng pagbaha.
Magkakaroon din ng pag-upgrade sa mga grain processing machinery, pagtatayo ng goat at swine multiplier farms, at pagpapalawak ng produksyon ng organikong pataba na inaasahang makikinabang ang halos 30 porsiyento ng mga pamilyang nakatira malapit sa Caraballo Mountain Range.
Saklaw ng programa ang mga barangay ng Lapalo, Sto. Domingo, San Bonifacio at San Roque, na kabilang sa mga prayoridad na komunidad para sa pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran.
Ayon kay San Manuel Mayor Kenneth Marco Sison Perez, malaking tulong ang programa dahil halos kalahati ng lupain ng kanilang bayan ay bahagi ng Caraballo Mountain Range. Bukod sa pagpapalakas ng produksyon ng agrikultura, inaasahan din aniya na magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan ng mga magsasaka at magpapalago sa agritourism ng San Manuel.
Samantala, sinabi ni Department of Agriculture Regional Field Office 1 Regional Technical Director for Research and Regulations Dr. Gilbert Rabara, na ang programa ay hindi lamang isang proyekto kundi isang pangmatagalang pamumuhunan para sa agrikultura, pangangalaga sa kalikasan, at pag-unlad ng kabuhayan ng mga susunod na henerasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








