Sa Pangasinan, naitala ang Instrumental Intensity III sa bayan ng Sison, Instrumental Intensity II sa Urdaneta City, at Instrumental Intensity I sa Lingayen. Samantala, ayon sa Public Alert Response & Monitoring Center, naramdaman din ang Instrumental Intensity III sa Dagupan City.
Ang ilan nagbahagi ng kanilang naranasan sa social media kung saan ilan ay lumabas ng kanilang mga opisina sa takot na maulit muli ang paglindol.
Batay sa Advisory Bulletin No. 1 ng PHIVOLCS, tectonic o dulot ng paggalaw ng fault sa ilalim ng lupa ang lindol. Naitala ang episentro siyam na kilometro sa timog-kanluran ng Tuba, Benguet, at may lalim na 10 kilometro.
Pinakamalakas namang naitala ang pagyanig sa Baguio City na may Instrumental Intensity V, habang Instrumental Intensity IV ang naitala sa Aringay, La Union.
Sa kasalukuyan, wala pang naiuulat na pinsala o nasawi kaugnay ng lindol. Gayunman, nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng mga kasunod na pagyanig o aftershocks.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na manatiling kalmado, maging alerto, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PHIVOLCS at ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










