Nakiisa ang isang daang bata sa Dagupan City sa isinagawang programa na “Nanay, Ikaw ang Unang Guro”, na naglalayong mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataan sa pagbabasa sa tulong ng kanilang mga ina at ng mga aklat- kuwentong ipinagkaloob ng Department of Education (DepEd).
Sa ilalim ng programa, binigyang-diin ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga magulang, lalo na ng mga ina, sa paghubog ng kasanayan sa pagbasa ng kanilang mga anak.
Mahalaga umanong mabigyan ang mga bata ng kumpiyansa at inspirasyon sa pamamagitan ng pagpaparamdam na sila ay mahalaga at pinahahalagahan. Sa ganitong paraan, naipapakita rin ang pag-asa at suporta hindi lamang para sa mga bata kundi maging sa kanilang mga pamilya.
Naging mas makabuluhan ang programa sa pamamagitan ng isinagawang storytelling activity na nagbahagi ng mga kuwento at mensaheng nagbibigay-inspirasyon sa mga batang kalahok.
Patuloy na isinusulong ng mga tagapagtaguyod ng programa ang mga gawaing nakatutok sa edukasyon at kapakanan ng mga bata upang matiyak na sila ay magkakaroon ng mas maliwanag at matagumpay na kinabukasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








