ISANG GRANADA, ISINUKO NG ISANG DATING CTG MEMBER

CAUAYAN CITY – Isinuko ng isang miyembro ng Communist-Terrorist Group (CTG) ang isang granada kasabay ng pagsuko nito sa Brgy. Mapurao, Allacapan, Cagayan.

Kinilala ang naturang miyembro na si alyas “Ruben”, 44-anyos, isang magsasaka at residente ng nabanggit na bayan.

Ayon kay alyas “Ruben” nagsimula siyang magkaroon ng kaugnayan sa rebeldeng grupo noong Disyembre 2011 nang isang nagngangalang Ka Spike ang lumapit sa kanya habang siya ay nagtatrabaho sa sakahan.


Kuwento nito, humingi umano ng tulong si Ka Spike upang makuha ang kanilang mga suplay ng pagkain at pangmedikal kung kaya’t tinulungan niya ito.

Dagdag pa nito, ilang indibidwal din ang kanyang nakita na may mga bitbit na mga armas at bandoliers kung saan matapos tumulong ay isang rifle grenade ang iniwan ni Ka Spike sa kanya.

Dahil sa pagmamahal sa pamilya at patuloy na kampanya ng kapulisan kontra terorismo, nagpasya si alyas “Ruben” na itigil ang ugnayan sa makakaliwang grupo at muling magbalik loob sa pamahalaan.

Facebook Comments