
CAUAYAN CITY – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lalaki matapos ang operasyong isinagawa ng kapulisan k, ika-18 ng Pebrero, sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa ulat, isang informant ang nagbigay ng impormasyon sa kapulisan tungkol sa isang lalaki na kinilalang si alyas “Jopet” na nagbebenta ng isang hindi lisensyadong baril.
Dahil dito, nagsagawa kaagad ng operasyon ang Cauayan Component City Police Station at nagtungo sa lugar kung saan gaganapin ang transaksyon, subalit nakaramdam ng pagdududa ang suspek kung kaya’t binangga nito ang informant at ang kasama nito.
Nagpaputok pa ng baril ang suspek at tumakas subalit agad ding nahuli matapos ang isinagawang hot-pursuit operation.
Nasamsam naman sa kanyang pag-iingat ang isang (1) unit ng Smith & Wesson Spring field mass Cal. 38 revolver na walang serial number; dalawang (2) piraso ng live ammunition; isang (1) fired cartridge case ng kaparehong calibre; isang (1) cellphone, at isang (1) motorsiklo na walang plaka.
Matapos maaresto ay dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, BP 881 Omnibus Election Code, at Direct Assault upon an agent of person in authority.