Personal na binisita ni Mayor Belen T. Fernandez, kasama ang mga kinatawan ng City Agriculture Office at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, ang mga palaisdaang sakop ng lungsod kasunod ng insidente.
Ayon kay Dagupan City Agriculturist Mae Ann Salomon, batay sa kanilang isinagawang inspeksiyon, maaaring hindi maiwasan ang pagbaba ng antas ng oxygen sa tubig, lalo na sa matinding init na dulot ng El Niño.
Dagdag ni Salomon, gumagamit ng mga water pump ang mga may-ari ng fish pen upang makatulong na maiwasan ang pagkamatay ng mga alagang isda.
Samantala, sa isinagawang dayalogo sa Barangay Pugaro Suit, inilatag ni Mayor Fernandez ang mga tulong na maaaring ipagkaloob sa mga apektadong fishgrower.
Kabilang sa mga ito ang karagdagang water pump para sa mga fish pen owner, fuel subsidy, BBM rice, mga benepisyaryo ng TUPAD, at bangus fingerlings mula sa BFAR.
Isinagawa rin ang water testing sa lugar kung saan naganap ang pagkamatay ng mga isda upang masuri ang kondisyon ng tubig.
Bilang pag-iwas sa kaparehong insidente, pinayuhan naman ng City Agriculture Office at BFAR ang mga fishgrower na iwasan ang sobrang dami ng alagang isda sa kanilang mga fish pen upang makatulong na mabawasan ang panganib ng fish mortality. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








