
Ipinaaubaya na ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang isyu kung boluntaryong sumuko o inaresto si Senator Rodante Marcoleta.
Ito ay dahil sa magkaibang pahayag ng kampo ng senador at ni Philippine National Police Chief Jose Melencio Nartatez Jr.
Sinabi kasi ni Nartatez na inaresto si Marcoleta nang magtungo ito kanina sa Sandiganbayan.
Pero iginiit ng kampo ng Senador na sumuko ito at hindi inaresto.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, mahirap sabihin kung inaresto o kusang sumuko si Sen. Rodante Marcoleta.
Ang korte na aniya ang magpapasya kung ang nangyari ay maituturing na pag-aresto o kusang pagsuko.
Kaninang umaga nang magtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan para sa pagdinig ng kaniyang motion to quash sa plunder case pero dito na rin siya inaresto matapos maglabas ng warrant of arrest at ibasura ang kaniyang mosyon.










