JTF COVID Shield, pabor sa pagsibak sa hepe ng MPD Station 5 dahil sa Manila Bay Incident

93

Ipinagpasalamat ng Joint Task Force COVID Shield kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan ang mabilis na pagsibak sa hepe ng Manila Police Distict (MPD) Station 5 na si Police Lieutenant Colonel Ariel Caramoan.

Ito ay matapos dagsain ng tao ang bagong-gawang Manila Bay White Sand Baywalk nitong weekend kung saan hindi nasunod ang quarantine protocols na physical distancing at mass gatherings.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at JTF Covid Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, bilang immediate area commander, dapat nakagawa ng inisyatibo si Caramoan para planuhin ang pagpapatupad ng striktong seguridad at health protocols sa pagbubukas ng nasabing beach sa publiko.

Maaari aniyang napigilan ang napakaraming quarantine violations kung may maagang paghahanda.

Maliban aniya dito, hindi rin naaksyunan ni Caramoan ang mga report ng quarantine violations sa kanyang area of responsibility na kumalat pa sa social media.

Sa ngayon, si PLt. Col. Alex Daniel ang ipinalit kay Caramoan bilang Office-in-Charge ng MPD Station 5.

Facebook Comments