Kamara, inupuan ng 16 na buwan ang Wage Hike Bill —senador

Ipinapasa ng Kamara ang kanilang hindi nagawang responsibilidad sa Senado.

Ito ang reaksyon ni Senate President Chiz Escudero sa hindi pag-ako ng Kamara sa naging pagkukulang dahilan kaya hindi na naaprubahan ang panukalang dagdag na sahod.

Ipinunto ni Escudero na 16 na buwan na inupuan ng Kamara ang wage hike bill habang ang Senado ay pinagtibay ang P100 daily minimum wage hike bill noong Pebrero 2024 at agad na hiniling sa mababang kapulungan na i-adopt ito subalit hindi ito inaksyunan ng mga kongresista.

Binigyang-diin ng Senate President na sinasabing dine-delay ng Senado ang panukala gayong huling linggo na ng sesyon nang ipadala ng Kamara ang kanilang bersyon at hindi na ito maaksyunan dahil sa kakulangan ng oras.

Wala rin aniyang datos na susuporta sa P200 wage hike bill ng Kamara kaugnay sa epekto nito sa ekonomiya lalo sa maliliit na negosyo.

Kung talagang gustong bigyan ng dagdag na sahod ng Kamara ang mga manggagawa ay dapat inadopt na lamang ng mga ito ang bersyon ng Senado para hindi na dumaan sa bicameral conference committee at agad na mai-e-enroll para malagdaan ng pangulo.

Facebook Comments