Kampanya ‘kontra bigay,’ mas pinaigting ng PNP para sa malinis at tapat na halalan

Dalawang araw bago ang halalan, todo bantay ang Philippine National Police (PNP) laban sa bilihan ng boto sa buong bansa.

Ayon kay PNP Chief PGen Rommel Francisco Marbil, inatasan niya ang lahat ng regional directors at field commanders na paigtingin ang kampanya kontra vote buying.

Ito’y bilang tugon narin sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa direktiba ng Commission on Elections (Comelec) para sa malinis at tapat na halalan.

Sinabi ni Marbil na pinatutupad ngayon ng PNP ang mas agresibong operasyon, lalo na’t may mga ulat na ng bentahan ng boto sa ilang mga lalawigan.

Babala ng Pambansang Pulisya na mapaparusahan sa ilalim ng batas ang sinumang mapapatunayang sangkot sa vote buying at vote selling.

Hinihimok din nito ang publiko na agad i-report ang mga ganitong insidente sa mga himpilan ng pulis o sa mga hotline ng COMELEC.

Samantala, magpapatuloy ang “Kontra Bigay” operations hanggang sa mismong araw ng halalan sa Mayo 12, 2025.

Facebook Comments