Cauayan City – Pinaigting pa ng Ilagan City Police Station ang kanilang kampanya kontra sa mga ilegal na grupo na di umano nirere-recruit ang mga kabataan na kanilang maging miyembro.
Kamakailan ay nagsagawa ang hanay ng Ilagan City PS ng seminar at dayalogo sa Isabela National Highschool upang talakayin kung paano maprotektahan ang mga kabataan sa lungsod ng Ilagan na maging kasapi ng grupong Temple Street Thirteen (TST).
Dumalo sa nasabing talakayan ang mga magulang, guro, at mga mag-aaral kung saan ipinaalam sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa panganib na dala ng pagsali sa grupo, at ang mga dapat gawing paggabay ng magulang at guro upang hindi malinlang ang mga kabataan.
Layunin ng aktibidad na ito na mailayo ang mga kabataan sa panganib na dulot nito, maipaalam ang mga palatandaan ng pagre-recruit, at ang importansya ng pakikiisa ng komunidad sa pagrereport ng kahina-hinalang aktibidad sa kinauukulan.
Patuloy naman umano ang pagsasagawa ng hanay ng kapulisan ng dayalogo sa iba’t-ibang paaralan sa lungsod bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na grupo, at upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lungsod.