KAPAKANAN NG DRRM WORKERS, ISINUSULONG SA GITNA NG KALAMIDAD

Isang bayani—iyan ang tawag sa mga Disaster Risk Reduction and Management Workers o DRRM Workers ngayong panahon ng Habagat.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Raymondo T. Santos, Head ng MDRRMO Sta. Barbara, dapat na umanong maisulong at maipatupad ang Magna Carta para sa DRRRM Workers, dahil sila ang mga unang rumeresponde at tinatakbuhan ng publiko sa oras ng kalamidad.

Giit pa niya, isa sa mga aspetong dapat isaalang-alang ay ang kalagayan at nararamdaman ng mga DRRRM Workers tuwing may kalamidad, lalo na’t nasa labas sila upang tumulong habang hindi nila makapiling at mapuntahan ang kanilang sariling mga pamilya.

Samantala, matagal na rin umanong sinusuportahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Operations Head na si Vincent Chiu ang pagkakaroon ng Magna Carta para sa DRRRM Workers.

Dagdag pa niya, sakaling maipatupad ang Magna Carta para sa DRRRM Workers, mas mapapadali ang kanilang pagtugon sa mga nangangailangan at higit pang mapapalakas ang kanilang kakayahang maglingkod at maging mga bayani sa komunidad.

Sa kasalukuyan, patuloy ang mga isinasagawang monitoring, rescue operations ng mga DRRM workers sa iba’t-ibang parte ng bansa partikular sa mga apektadong lugar ng mga nagdaang bagyo at habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments