Kasong isinampa ng NBI vs VP Sara, walang epekto sa idaraos na impeachment trial ng Senado

Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na walang epekto sa napipintong impeachment proceedings ni Vice President Sara Duterte ang isinampang kasong kriminal ng National Bureau of Investigation o NBI sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Escudero, walang bearing at walang kinalaman ang isinampang kaso ng NBI sa tatakbuhin ng paglilitis sa mga articles of impeachment laban kay Duterte.

Sinabi pa ng Senate president na hindi kukunin ng Senado ang kasong isinampa ng NBI at maaari itong mauna pa sa impeachment o ‘di kaya naman ay isabay lang din sa gagawing trial ng Mataas na Kapulungan.


Hindi rin aniya kusang hihingiin ng impeachment court ang mga testimonya at ebidensyang nakalap ng NBI tulad sa pangkaraniwang imbestigasyon ng Senado.

Trabaho na aniya ito ng prosecution at defense sa impeachment trial at sila na ang bahalang magdesisyon kung gagamiting ebidensya sa paglilitis ang mga hawak ng NBI.

Facebook Comments