Wednesday, June 24, 2026

Senado, hinikayat ng Palasyo na manindigan para sa taumbayan sa impeachment ni VP Sara

Iginiit ng Malacañang na dapat mas unahin ng Senado ang kapakanan ng taumbayan at hindi para sa iisang tao lamang ang magiging pasya nito sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang naging mensahe ng Malacañang matapos muling umusad sa Kamara ang impeachment laban sa ikalawang pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, indikasyon aniya ang pagtaas ng 257 na boto ng mga mambabatas mula sa 215 na mas maraming naniwala sa mga inilatag na ebidensya at dokumento laban kay Duterte.

Kasabay nito, nanawagan ang Malacañang sa Senado na maging patas sa paghawak ng impeachment trial at unahin ang interes ng publiko.

Sa kabila nito, iginiit ng Palasyo na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa trabaho ng mga senador.

Binigyang diin pa ni Castro na ang taumbayan na ang huhusga kung ang magiging desisyon ng Senado ay para sa mga Pilipino o para protektahan ang iisang tao lamang.

Facebook Comments