Saturday, August 8, 2026

Kasong kriminal, inihain ng FPA laban sa DO’s Asia Chemical Trading Corp. sa Butuan

Sinampahan ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ng kasong paglabag sa Section 8 (a at g), at Section 9 kaugnay ng Section 10 ng Presidential Decree No. 1144 ang DO’s Asia Chemical Trading Corp. at ang pangulo nito na si Viflor Dosado sa City Prosecutor Office ng Butuan.

Ito ay may kaugnayan umano sa paglahok ng DO’s Asia sa P25.67 million procurement ng Department of Agriculture (DA) noong 2025 para sa inorganic fertilizers sa Region 13 o sa Caraga.

Nakasaad sa reklamo, na wala umanong awtoridad ang kumpanya na magkasa ng fertilizer dealership operations sa Caraga kahit pa mayroon itong lisensya para mag-operate sa nasabing rehiyon.

Dagdag pa ng FPA, gumamit umano ang nasabing kumpanya ng ipinagbabawal na “Spinning Palanggana” o ang paraan ng paggawa ng pataba, na ipinagbawal sa ilalim ng FPA Memorandum Circular No. 23, Series of 2022.

Sakaling mapatunayang guilty sa mga paratang, maaaring maharap ang nasabing kumpanya sa mabibigat na multa at pagkakakulong, alinsunod sa batas.

Ang Presidential Decree No. 1144 ay ang batas na namamahala sa paggawa, distribusyon, pagbebenta, at pagrerehistro ng mga pataba at pesticide sa bansa.

Facebook Comments