
Humarap sa pagdinig ni Judge Don Ace Mariano Alagar ng Antipolo City Regional Trial Court (RTC) Branch 141 sina dating Agriculture Undersecretary for Fisheries at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Eduardo Gongona at dating BFAR Undersecretary Demosthenes R. Escoto.
Ito ay may kinalaman sa umano’y iregularidad sa ₱2 bilyong Vessel Monitoring System o VMS Project noong 2018.
Sa hearing kahapon, inilatag ni Judge Alagar kung nais ng mga respondent na ipa-inhibit siya sa kaso dahil ang hukom ay dating prosecutor ng Office of the Ombudsman.
Matatandaang ang Ombudsman ang naghain ng kasong kriminal sa Lower Court dahil sa umano’y maling paggawad ng kontrata sa isang British company.
Una nang ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mga mosyon ng dating opisyal na humihiling na pag-aralan ng Anti-Graft Court ang kaso laban sa kanya.
Nag-ugat ang kaso nang idineklarang winning bidder ang SRT-France, isang subsidiary ng SRT-UK, subalit hindi ito kinilala ng pamahalalan ng France dahil British ang nagmamay-ari ng kompanya.
Ang proyekto ay inisyal na popondohan ng loan mula sa gobyerno ng France sa ilalim ng mahigpit na kundisyon na dapat ay isang kumpanyang pagmamay-ari ng mga Pranses o may ka-joint venture na isang French Company ang sinumang bidder.