KITA NG PADYAK DRIVERS SA MAYOMBO, DAGUPAN CITY, MATUMAL DAHIL SA INIT NG PANAHON

Isang malaking dagok para sa mga padyak drivers dito sa lungsod ng Dagupan ang matinding maalinsangang panahon, na siya ngayong pangunahing nagpapahirap sa kanilang pamamasada.

“Tyagaan.” Ito ang tanging salitang ibinahagi ni Tatay Robert, isang padyak driver, kaugnay ng matumal na pasada bunsod ng maalinsangang panahon at kakulangan ng kita.

Patuloy ang pamamasada ng mga padyak driver na umaasa sa lakas ng katawan at sikap para kumita. Ani Tatay Robert, inaabot ng isa hanggang dalawang oras bago sila makakuha ng pasahero, at umaabot lamang sa humigit-kumulang ₱200 ang kita sa isang araw.

Dagdag pa niya, lalong humihina ang kita dahil bakasyon ang mga estudyanteng karaniwan nilang pasahero. Mas lumalakas lamang ang pasada kapag umuulan o may baha.

Karaniwan ding inaabangan ang dagsa ng pasahero tuwing alas-5 hanggang alas-6 ng hapon sa kanilang ruta sa Barangay Mayombo sapagkat doon lamang umano sila nakakakuha ng mga pasahero.

Ayon sa DOST-PAGASA, itinaas ang ENSO Alert dahil sa banta ng El Niño na inaasahang magdudulot ng matinding tagtuyot sa mga susunod na buwan.

Sa kabila ng hirap, hindi umano nila iniiwan ang kanilang kabuhayan—dahil sa sa hirap ng pamumuhay, tyaga at pamamasada ang kanilang kaagapay.

Facebook Comments