MAKASAYSAYANG CENTENNIAL CORONATION NG OUR LADY OF MANAOAG, DINALUHAN NG ILANG KILALANG PERSONALIDAD

Naging makasaysayan ang pagdiriwang ng Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag na dinaluhan ng milyun-milyong deboto at iba’t ibang matataas na opisyal ng pamahalaan at kilalang personalidad mula sa iba’t ibang sektor.

Kabilang sa mga dumalo sina Governor Ramon Guico III at pamilya, Bataan 1st District Representative Geraldine Roman, Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, Vice Governor Mark Lambino, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ilang kongresista, at mga lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bayan at lungsod, kabilang si Dagupan City Mayor Belen Fernandez.

Bandang alas-9 ng umaga, dumating sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos, kung saan napansing naging emosyonal ang Unang Ginang habang minamasdan ang imahen ng Birheng Manaoag.

Bago ang pormal na koronasyon, ang mga banal na korona ay binendisyunan ni Apostolic Nuncio sa Pilipinas His Excellency Most Rev. Charles John Brown bilang paghahanda sa isa sa pinakamahalagang bahagi ng seremonya.

Sinundan ito ng unang yugto ng ritwal, kung saan ang koronasyon ng Santo Niño ay pinangunahan ni Cardinal Jose Fuerte Advincula, na nasaksihan ng mga panauhin kabilang sina Pangasinan Governor Ramon V. Guico III at 5th District Congressman Ramon V. Guico Jr.

Isinagawa naman ang pinakatampok na bahagi ng pagdiriwang, ang solemne at makasaysayang koronasyon ng Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag na pinangunahan ng Papal Nuncio, katuwang si Archbishop Socrates Villegas, habang sina Pangulong Marcos Jr. at First Lady Araneta-Marcos ay nagsilbing pangunahing mga saksi.

Sa huling bahagi ng seremonya, ang halo crown ay inilagay ni Rev. Fr. Felix C. Legaspi III, O.P., kasama sina Manaoag Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” Rosario at Dra. Marie Suzette Rosario bilang mga saksi.

Naging sentro ng makasaysayang pagtitipon ang ika-100 anibersaryo ng kanonikal na koronasyon ng Birheng Manaoag, na muling nagpatibay sa pananampalataya, pagkakaisa, at pag-asa ng sambayanang Pilipino.

Facebook Comments