KOLEKSYON NG BASURA SA BARANGAY POBLACION, ALAMINOS CITY, PANSAMANTALANG NAANTALA ‎

‎Pansamantalang naapektuhan ang regular na koleksyon ng basura sa Barangay Poblacion dahil sa hindi madaanan na access road patungo sa dumpsite bunsod ng patuloy na pag-ulan sa mga nakalipas na araw.

‎Ayon sa Facebook post ng Barangay Poblacion Alaminos City, Pangasinan, lumambot ang lupa sa daanang papunta sa dumpsite kaya’t hindi makadaan ang mga garbage truck na ginagamit sa paghakot at pagtatapon ng mga nakokolektang basura.

‎Nahihirapan umano ang mga tauhan sa regular na paglilipat ng basura mula sa mga koleksyon patungo sa pasilidad.


‎Dahil sa sitwasyon, hindi agad naihahatid sa dumpsite ang mga nakokolektang basura at wala rin umanong alternatibong lugar na maaaring pansamantalang pagdalhan ng mga ito.

‎Humingi ng pang-unawa ang pamahalaang barangay sa mga residente habang patuloy na ginagawan ng paraan ng lokal na pamahalaan ang agarang solusyon sa suliranin.

‎Tiniyak din ng mga opisyal na nakikipag-ugnayan sila sa mga kinauukulang tanggapan upang maibalik sa normal ang serbisyo sa lalong madaling panahon.

‎Bilang pansamantalang hakbang, mahigpit na ipinapakiusap sa mga residente na itago muna sa loob ng kanilang mga tahanan ang kanilang mga basura upang maiwasan ang pagkalat sa mga kalsada at pampublikong lugar.

‎Pinapayuhan din ang maayos na paglalagay ng mga basura sa sako o selyadong plastik upang maiwasan ang mabahong amoy at mapanatili ang kalinisan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments