KONDISYON NG KALSADA SA PANGASINAN-NUEVA VIZCAYA ROAD, MAPANGANIB UMANO PARA SA MGA MOTORISTA

‎Pinag-iingat ng San Nicolas Police Station ang mga motorista sa Pangasinan-Nueva Vizcaya Road dahil sa mapanganib na kondisyon ng kalsada, lalo na kapag tuloy-tuloy at malakas ang ulan.

‎Ayon kay PMAJ George D. Banayos Jr., Acting Police Chief ng San Nicolas Municipal Police Station, tanging light vehicles lamang ang pinapayagang dumaan sa ilang bahagi ng kalsada.

‎Aniya, kapag lumala ang kondisyon at naging delikado para sa mga motorista, agad na pansamantalang isinasara ang daan.

‎Lalong nagiging mapanganib ang ruta tuwing malakas ang pag-ulan dahil landslide-prone ang lugar.

‎Ilang pagguho na rin ng lupa ang naitala sa bahagi ng Villaverde Road nitong Agosto, dahilan upang mahigpit na bantayan ang lagay ng kalsada.

‎Wala namang naiulat na insidente na direktang dulot ng mga naitalang landslide. Gayunman, isang insidente noong Agosto 21 ang naiulat kung saan isang indibidwal ang nasawi matapos mahulog sa bangin.

‎Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad sa San Nicolas at Santa Fe, Nueva Vizcaya para sa pagbabantay sa naturang kalsada. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments