
Naghain ng petisyon sa Supreme Court of the Philippines ang NAGKAISA! labor coalition upang kuwestiyunin ang mga temporary restraining order (TRO) at status quo ante orders na pumigil sa implementasyon ng ₱85 na umento sa sahod sa National Capital Region (NCR).
Sa kanilang Petition for Certiorari and Prohibition, hiniling ng grupo na agad dinggin ang kaso dahil sa “transcendental importance,” gayundin bilang usaping may malaking epekto sa kapakanan ng publiko at sa patakaran sa paggawa.
Partikular na kinukuwestiyon ng petisyon ang mga kautusan ng mga trial court sa Pasig at Navotas na nagresulta sa suspensyon ng Wage Order No. NCR-27, na sana’y makikinabang ang mahigit isang milyong manggagawa sa Metro Manila.
Iginiit ng labor coalition na walang hurisdiksiyon ang mga regular na korte upang pigilan ang wage-board proceedings, at ang paglalabas ng TRO ay labag umano sa Article 126 ng Labor Code, na naglilimita sa kapangyarihan ng lower courts sa pag-isyu ng injunction laban sa wage orders.
Bukod sa agarang pagpapatupad ng ₱85 wage hike, layunin din ng petisyon na makakuha ng malinaw na gabay mula sa Korte Suprema upang maiwasan ang paulit-ulit na paggamit ng TRO laban sa mga wage order sa hinaharap.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang mga lider ng iba’t ibang labor groups, kabilang sina Federation of Free Workers (FFW) President Atty. Jose Sonny Matula, SENTRO General Secretary Josua Mata, at Partido Manggagawa Chairperson Rene Magtubo, kasama si Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando.










