
Matagumpay na nailigtas ng National Bureau of Investigation–Cordillera Administrative Region (NBI-CAR) ang 11 babaeng biktima ng human trafficking, kabilang ang anim na menor de edad, sa isang hotel sa Baguio City.
Sa isinagawang entrapment at rescue operation, naaresto ang dalawang hinihinalang human trafficker.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence information na may isang babaeng nagngangalang “Rose” na umano’y nag-alok ng sexual services ng mga kababaihan kapalit ng pera at ibinibiyahe ang mga ito mula Bulacan patungong Baguio City.
Sa pamamagitan ng controlled communications, pumayag ang subject na magdala ng ilang babae sa Baguio City at nag-demand ng dalawang private van para sa kanilang transportasyon.
Nang dumating ang mga ito sa Baguio City, dinala ang mga babae sa transaction room at ipinakita sa undercover NBI personnel na nagpanggap bilang customers.
Nang tanggapin ni Rose ang puting envelope na naglalaman ng marked entrapment money at boodle money para sa sexual services ng mga babae, dito na pumasok ang mga tauhan ng NBI-CAR sa transaction room at inaresto ang babaeng subject.
Naaresto rin sa hotel lobby ang lalaking kasamahan ni Rose na kinilalang si “Jivan,” na siyang nag-organisa at nagbiyahe sa mga biktima.
Naging escort din umano si Jivan sa ikalawang van at pinayuhan ang mga babae na galingan ang performance sa mga customer para kumita sila nang mas malaking halaga.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Republic Act No. 11862 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, at Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.










