
Cauayan City – Arestado ang isang lalaki matapos mahuli sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Caralucud, San Pablo, Isabela bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na armas.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Allan” at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, nahuli si “Allan” matapos maaktuhan na nagbebenta ng isang caliber .38 revolver.
Nakuha mula sa suspek ang limang bala ng parehong kalibre, isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, anim na piraso ng ₱1,000 boodle money, iba pang personal na gamit tulad ng isang holster, cellphone, backpack, at isang motorsiklon.
Ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya ay isinagawa sa harap ng suspek, at nasaksihan ng mga barangay kagawad ng nasabing lugar.
Matapos ang isinagawang imbentaryo, dinala ang suspek at ang mga ebidensya sa himpilan ng San Pablo Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.
Samantala, ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Batas Pambansa Bilang 881 na may kaugnayan sa COMELEC Resolution No. 11067 o ang Omnibus Election Code.