Lalaki, sugatan matapos barilin ng nakaalitan nito sa Rodriguez, Rizal; isang tindera, nadamay rin sa pamamaril

Sugatan ang isang 21-anyos na lalaki matapos mabaril ng 18-anyos na nakaalitan nito sa Rodriguez, Rizal.

Nangyari ang insidente sa bahagi ng Brgy. San Isidro pasado alas-8:00 ng gabi.

Sapul sa CCTV ang pagbunot ng baril ng suspek na kinilala sa alyas ‘Leo’ mula sa kaniyang bag at dumiretso kung nasaan ang biktima pero hindi na nakuhanan ang mismong pamamaril.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ugat ang krimen matapos na tingnan nang masama umano ng biktima ang suspek at pinagbantaan ito.

Agad namang nahuli ang suspek ng mga rumorondang pulis ng sa Rodriguez Municipal Police Station sa lugar.

Nagtamo ang biktima ng tama sa tagiliran habang natamaan naman ng stray bullet sa braso ang isang tindera na nasa lugar ng insidente.

Depensa ni alyas ‘Leo’, nagawa niya ang krimen dahil nauna umanong nagbanta ang biktima.

Pag-amin din nito na hindi sa kaniya ang ginamit na baril at sa kaniyang kaibigan ito.

Nasa kustodiya na ng nasabing istasyon ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated murder at frustrated homicide.

Habang isinailalim naman sa ballistic examination ang ginamit nitong baril sa krimen.

Facebook Comments