LALAKING KUKUHA SANA NG POLICE CLEARANCE, DINAKIP NG PNP

Tuluyang inaresto ang isang lalaki matapos mabisto na kabilang ito sa mga listahan ng Wanted Persons nang kumuha ito ng kanyang Police Clearance sa himpilan ng PNP Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Arnold Camaddu Verona, 39 taong gulang, may-asawa, helper at residente ng Barangay Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Sa ulat ng Cauayan City Police Station, nagtungo ang suspek sa kanilang istasyon para kumuha ng kanyang Police Clearance at habang bineberipika ang kanyang records ay napag-alaman na mayroon itong kinakaharap na kaso.

Nabatid na nahaharap sa kasong Qualified Theft ang suspek batay sa warrant of arrest nito na may petsang December 18, 2020 na naitala sa Valenzuela City.

Agad itong dinakip at dinala sa isang ospital para sa medical examination at ibinalik sa kustodiya ng pulisya. Pansamantala namang makakalaya ang suspek kung makakapag piyansa ng halagang P24,000.

Facebook Comments