
Nasakote ang isang lalaki na nagpapakilalang ahente ng isang kilalang transport network vehicle service (TNVS) company sa isang entrapment operation na isinagawa ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Barangay Cembo, Taguig.
Kinilala ang suspek na si Khart Bolina na sangkot sa panloloko gamit ang modus na pag-aalok ng pekeng “temporary permit” para sa TNVS registration.
Ayon kay PNP HPG Spokesperson Lt. Nadame Malang, hiningan ng suspek ang mga biktima ng paunang bayad na P15,000 kapalit ng nasabing permit.
Ngunit makalipas lamang ang isa o dalawang linggo, nade-deactivate ang account ng mga biktima, at muling sisingilin ng karagdagang P35,000 para umano’y reactivation.
Sinabi ni Malang na umabot na sa 13 katao ang pormal na nagsampa ng reklamo laban sa suspek kung saan tinatayang P1.5 milyon hanggang P2.3 milyon ang nalikom na pera ng suspek mula sa mga biktima.
Estafa ang kasong kakaharapin ni Bolina, ngunit target ng HPG na maisampa ito bilang large-scale estafa na isang non-bailable offense.
Dagdag pa ni Malang, iniimbestigahan na rin kung may kasabwat ang suspek sa loob ng TNVS company.