
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) at Philippine Coconut Authority na kontrolado nito ang sitwasyon sa harap ng pananalasa ng mga insekto at peste sa mga puno ng niyog.
Ipinahayag nina Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa at Philippine Coconut Authority Administrator Dexter Buted na sinosolusyunan na nila ang pamemeste ng dalawang klase ng peste.
Ito ay ang “cocolisap” o coconut scale insect (CSI) at coconut spike moth.
Umaabot sa 516,000 na puno ng niyog ang sinira ng CSI infestation habang mahigit dalawampung libo naman ang sinira ng coconut spike moth.
Kabilang sa mga lugar na pinepeste ng cocolisap ay ang Region 4A,5,6,8,10,13 at BARMM.
Siniguro naman ni Buted na maliit ang bilang ng mga sinalanta kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng puno ng niyog sa buong bansa.
Sa kabuuan, nasa 345-M ang coconuts trees sa bansa.
Ayon sa PCA, tuloy-tuloy ang interbensyon ng DA upang mapuksa ang mga insekto at peste sa coconut industry.