LANDSLIDE-PRONE AREAS SA PANGASINAN, TINUKOY SA GITNA NG BANTA NG BAGYO AT HABAGAT

Inilabas ng Pangasinan PDRRMO ang Landslide Susceptibility Map ng bawat distrito sa lalawigan bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng Tropical Depression Maymay at ng Habagat.

Batay sa datos ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), inaasahang makararanas ang lalawigan ng maulap na kalangitan, kalat-kalat hanggang malalakas na pag-ulan, at malalakas na bugso ng hangin sa mga susunod na araw.

Ayon sa abiso, maaaring magdulot ang tuloy-tuloy na pag-ulan ng pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na may katamtaman hanggang mataas na antas ng landslide susceptibility.

Dahil dito, hinihikayat ang mga residente sa mga vulnerable area na maging mapagmatyag at agad na magsagawa ng pre-emptive evacuation kung may mapansing senyales ng pagguho ng lupa o kung sa tingin nila ay hindi na ligtas ang kanilang kinaroroonan.

Pinapayuhan din ang publiko na regular na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin at mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kanilang kaligtasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments