
Vineto ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang batas na magbibigay ng Filipino citizenship sa Chinese national na Li Duan Wang.
Sa eksklusibong panayam ng DZXL RMN Manila, kinumpirma ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang pagbasura ng Pangulo sa House Bill No. 8839.
“Yung legislative naturalization ni Li Duan Wang ay na-veto ni Pangulo. Itong si Li Duan Wang ay napabalita na parte ng POGO at alam naman natin na ang POGO ay hindi gusto ng Pangulo,” ani Castro.
“May total ban ng POGO dahil ito ang pinagsisimulan ng mga krimen,” dagdag niya.
Una nang ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros ang malalim na koneksyon sa POGO ni Li Duan Wang.
Ayon kay Hontiveros, incorporator ng pinakamalaking POGO service provider na New Oriental Club 88 Corporation si Li na una nang ipinasara noong 2019.
Junket operator din siya at partner ni Duanren Wu na umano’y big boss ng ipinasarang POGO hub sa Porac, Pampanga.
Nito lang ding Marso nang matagpuan si Li sa gusaling ni-raid ng Bureau of Immigration dahil sa alegasyon ng scam operations.
Enero nang ipatupad ang total ban ng POGO sa Pilipinas.