LGU SAN MANUEL, NAGDEKLARA NG SPECIAL NON-WORKING HOLIDAY

Cauayan City – Bilang pagkilala sa kahalagahan ng pakikilahok sa taunang Bambanti Festival idineklara ng LGU San Manuel ang January 23-24 bilang Special Non-working Holiday.

Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 02, Series of 2025, na ipinalabas ng lokal na pamahalaan ng San Manuel.

Ang Bambanti Festival ay isa sa pinakainaabangang pagdiriwang sa Isabela na nagtatampok sa kultura, kasaysayan, at tradisyon ng mga Isabeleño na naglalayong isulong ang pagkakaisa, pagpapalakas ng turismo, at pagkilala sa mga kontribusyon ng agrikultura sa ekonomiya ng lalawigan.


Sa ilalim ng kautusan, walang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at paaralan sa San Manuel sa mga nabanggit na petsa upang bigyang pagkakataon ang bawat isa na makibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng festival tulad ng mga cultural performances, parada, exhibits, at iba pang programa na nagpapakita ng talento at pagkamalikhain ng mga residente.

Ang hakbang na ito ay bahagi rin ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan na patuloy na suportahan ang pagpapalaganap ng lokal na turismo at pagpapalakas ng pagkakakilanlan ng bayan sa rehiyon.

Ang lahat ay hinihikayat na makilahok at makiisa sa matagumpay na pagdiriwang ng 2025 Bambanti Festival, na hindi lamang isang pagdiriwang ng kasaysayan at kultura kundi isang selebrasyon ng pagkakaisa at tagumpay ng mga Isabeleño.

Facebook Comments