Monday, November 2, 2026

LIBRENG SAKAY PARA SA MGA SENIOR CITIZEN, BUNTIS AT PWD NA DADALAW SA MGA SEMENTERYO SA MANGALDAN, IPINATUPAD NG LGU NGAYONG UNDAS

Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang programang libreng sakay para sa mga senior citizen, buntis at persons with disabilities o PWD na dadalaw sa mga sementeryo bilang bahagi ng paghahanda para sa Undas 2026.

Nagsimula nang dumami ang mga bumibisita sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa bayan noong Sabado, Oktubre 31, kaya naglaan ang lokal na pamahalaan ng libreng transportasyon para sa mga nangangailangan nito.

Tinatayang 30 pedicab driver ang lumahok sa programa na nagtatagal mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Kabilang sa itinakdang sakayan ang Rural Bank of Mangaldan, Mangaldan National High School at P. de Guzman-Presto Street sa Barangay Guilig.

Layon ng programa na mapadali ang pagbibiyahe ng mga senior citizen, buntis at PWD patungo at palabas ng mga sementeryo nang hindi na gumagastos sa pamasahe at hindi na rin matagal na nakababad sa init ng araw.

Samantala, nagtalaga rin ang lokal na pamahalaan ng mga pulis, barangay tanod at kawani ng pamahalaang bayan sa mga pasukan at labasan ng mga sementeryo upang panatilihin ang seguridad at tumulong sa mga dumadalaw.

Nakaalalay din sa mga sementeryo ang ng Municipal Health Office at mga Barangay Health Worker mula sa Barangay Guilig para sa agarang tulong medikal sakaling may maganap na insidenteng mangangailangan ng atensiyong pangkalusugan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments