Ito ang isa sa mga naging sentro ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Nutridense Food Manufacturing Corporation sa Barangay Malanay, Sta. Barbara, Pangasinan ngayong Setyembre 17, kasama si DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr.
Bukod sa produksyon ng masustansyang pagkain para sa school feeding at iba pang nutrition programs, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagkuha ng raw materials mula mismo sa mga lokal na producer.
“Ang raw material dito galing sa local. So nagko-contract farming sila… that helps also the local farmers because direct na sa kanilang mga market ang produkto.”
Sa ganitong sistema, nagkakaroon ng direktang merkado ang mga magsasaka para sa kanilang ani habang lumalaki naman ang pangangailangan sa lokal na raw materials kasabay ng pagpapalawak ng food manufacturing.
Mula rin sa pitong empleyado noong nagsisimula pa lamang, mahigit 300 manggagawa na ngayon ang nasa Nutridense, ayon sa Pangulo.
Kasabay nito, ginagamit ang research and development ng DOST upang mapahusay ang mga produkto, makinarya at proseso ng manufacturing at maitaas ang production capacity.
Para sa Pangulo, hindi lamang dami ng pagkain ang dapat pagtuunan kundi maging ang nutritional value nito, lalo na para sa mga bata.
“It is not only about food supply. It is also about proper nutrition… Kailangan balance ang nutritional value ng ating mga produkto.”
Sa pagpapalawak ng ganitong industriya sa Pangasinan, hindi lamang nutrition programs ang maaaring makinabang kundi pati ang lokal na agrikultura, MSMEs at employment, dahil naiuugnay ang produksyon ng mga magsasaka sa manufacturing at government nutrition programs. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








