
Iginiit ng Malacañang na matagal nang nakalaan ang lupang gagamitin sa Pax Silica project at hindi ito basta kinuha para sa naturang venture.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, noong 2019 pa, kasabay ng paghahanda para sa Southeast Asian (SEA) Games, itinakda na ang mga buildable areas o mga lugar na maaaring pagtayuan ng mga proyekto sa New Clark City.
May humigit-kumulang aniyang 6,000 ektarya ng lupa ang nakalaan para sa open green spaces, forest reserves, at upland farming.
Dagdag pa ni Castro, nasa 3,500 ektarya lamang ang gagamitin para sa Pax Silica project.
Dahil dito, muling tiniyak ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang mga magsasaka sa pagpapatayo ng artificial intelligence (AI) at semiconductor industrial hub, na inaasahang lilikha ng de-kalidad na trabaho at magdadala ng malalaking pamumuhunan sa high-tech industries.










