Naaresto ang mag-asawang kapwa nahaharap sa kasong estafa pati na rin ang Top 9 Most Wanted Person sa city level.
Unang naaresto ang isang 40-anyos na babae sa isinagawang operasyon ng Police Station 2, katuwang ang City Intelligence Unit at City Investigation and Detective Management Unit.
Nahaharap siya sa kasong Estafa through Falsification of Public Document at apat na bilang ng Attempted Estafa through Falsification of Public Document.
Aresto rin ang kanyang 48-anyos na asawa sa hiwalay na operasyon. Nahaharap din ito sa parehong mga kaso at inaresto sa bisa ng parehong warrant.
Samantala, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng City Mobile Force Company, Police Station 1, CIU, at CIDMU ang ika-siyam na most wanted person ng lungsod.
Ang 35-anyos na suspek ay nahaharap sa kasong Attempted Rape batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court sa Dagupan City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office ang tatlong naaresto habang isinasailalim sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








