
Todo paghahanda pa rin ang Department of Energy (DOE) sa posibleng epekto ng Bagyong Obet na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, tuloy-tuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Energy Department sa mga electric cooperative, distribution utilities at iba pang stakeholders.
Ito ay para agad maagapan ang posibleng disruptions o paggambala sa suplay ng kuryente dahil na rin sa habagat na umiiral pa rin sa bansa.
Hinikayat din ng kalihim ang mga generation company na maging handa sa masamang panahon na makakaapekto sa kanilang operasyon.
Pinayuhan din niya ang publiko na maging alerto at laging maghanda at makinig sa abiso ng mga awtoridad para maging ligtas at maprotektahan ang ating mga tahanan.
Kasabay nito, hiniling din ni Garin sa ating mga kababayan na ipagdasal ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan na nasa ground kahit umuulan para maisaayos ang mga poste at linya ng kuryente.










