
Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 41 validated Election Related Incidents (ERIs).
Ito’y tatlong araw bago ang 2025 midterm elections.
Sa datos ng PNP, pinakamaraming validated election related incidents ang naitala sa BARMM na walong kaso na sinundan ng CAR na may pito.
20 naman ang na-monitor na suspected ERIs ng Pambansang Pulisya at 24 ang naitalang non-election related incidents.
Samantala, 2,940 na sa kabuuan ang mga lumabag sa umiiral na gun ban.
Base sa datos, 2,812 dito ang sibilyan, 48 security guards, 19 na PNP personnel, 18 sundalo, 13 foreign nationals at iba pa.
Nangunguna rito ang National Capital Region Police Office sa may pinakamaraming naaresto na umabot sa mahigit 1,000 katao na sinundan ng Region 7 at Region 3.
Nasa 3,025 na mga baril ang nakumpiska mula sa iba’t ibang police operations.
Patuloy naman ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban sa pangunguna ng PNP katuwang ang Commission on Elections o Comelec, Armed Forces of the Philippines o AFP, at iba pang law enforcement agencies upang masigurong mapayapa at ligtas ang darating na eleksyon sa Lunes, Mayo 12.