
Ibinida ng pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umaabot na sa kabuuang 92,016,069 mga Pilipino ang nairehistro at napagkalooban na ng National ID.
Ayon kay PSA Usec. Claire Dennis S. Mapa, National Statistician and Civil Registrar General (NSCRG), ang matagumpay na pagkakarehistro ng mga Pilipino ay dahil sa resulta ng dedikasyon at pagsusumikap ng mga tauhan ng PSA na ginawang accessible sa bawat Pilipino at nagkaroon ng National ID.
Paliwanag pa ni Mapa na malaking tulong ang naturang National ID upang magkakaroon ng patunay ng pagkakakilanlan na magagamit sa mga transaksyon, na nagpapahintulot sa pag-access sa mga serbisyo.
Inumpisahan na rin ng PSA ang pagpaparehistro ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Matatandaan na noong Nobyembre 2024, katuwang ang Philippine Embassies sa Brunei Darussalam at Thailand ay lumahok ang PSA sa multi-Agency Services Caravan o MASC, kung saan ang mga serbisyo ng pamahalaan gaya ng National ID registration at mga kahilingan para sa civil registry documents ay inilapit sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.