Nanawagan ng agarang solusyon ang ilang residente ng Zamora Street Extension sa Barangay Pogo Chico, Dagupan City dahil sa tubig-bahang mahigit isang buwan na umano nilang nararanasan sa kanilang lugar.
Ayon sa residenteng si Lilian Dee, bagama’t may mga pagkakataong tumataas ang tubig kasabay ng high tide, ipinagtataka nila kung bakit matagal itong nananatili sa kanilang lugar.
Ikinababahala rin ng mga residente ang posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan dahil marumi at nagkukulay berde na umano ang nakatigil na tubig.
Bukod sa hirap at panganib sa araw-araw na paglusong sa baha, naaapektuhan din umano ang paghahatid ng pagkain at iba pang pangangailangan sa kanilang lugar.
Hiling ng mga residente na agad na matugunan ang problema sa matagal na pananatili ng tubig-baha at matapos ang kasalukuyang konstruksyon ng kalsada sa kanilang lugar.
Kasunod ng panawagan, nagtungo sa lugar si Dagupan City Mayor Belen Fernandez kasama ang mga kinatawan ng City Engineering Office upang inspeksyunin ang sitwasyon at ang kasalukuyang ginagawang kalsada.
Nagpasalamat naman si Dee sa agarang pagpunta at pag-inspeksyon ng lokal na pamahalaan. Umaasa ang mga residente na magkakaroon ng pangmatagalang solusyon upang hindi na manatili ang maruming tubig sa lugar at mabawasan ang panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.
Samantala, patuloy ding minomonitor ng lokal na pamahalaan ang iba pang infrastructure projects sa lungsod upang matiyak na naipatutupad ang mga ito alinsunod sa itinakdang pamantayan at maayos na mapakinabangan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








