Mahigit P200-M halaga ng mga smuggled na isda mula China, nasabat sa Port of Manila

Nasa 19 na container van na naglalaman ng daan-daang milyong pisong halaga ng smuggled o puslit na isda sa Port of Manila ang naharang ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA) at Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nagkakahalaga ng mahigit dalawandaang milyong piso ang mga nasabat na produkto na idineklara ng frozen taro sticks at sweet potato balls.

Batay naman sa deklarasyon, galing umanong China ang mga shipment.

Sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na pasok na ito sa paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act lalo na’t malaking halaga ang sangkot dito sa smuggling.

Tiniyak naman ni Laurel na mananagot ang nasa likod nito habang patuloy naman ang gagawing pagbabantay ng Customs laban sa iligal na pagpasok ng agricultural products sa bansa.

Facebook Comments