Patuloy ang rehabilitasyon ng drainage canal sa Vinuya Street, Barangay Poblacion sa Manaoag, Pangasinan, bilang hakbang upang matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa lugar.
Ayon kay Estrella Lamban, isang residente, madalas umanong bumaha sa kanilang lugar sa tuwing malakas at tuloy-tuloy ang pag-ulan.
Dagdag ni Lamban, barado na ang dating drainage canal kaya umaabot sa halos tuhod ang tubig-baha sa kanilang lugar sa kabila ng pagkakaroon ng drainage system.
Dahil dito, umaasa ang mga residente na magiging epektibo ang isinasagawang rehabilitasyon upang mabawasan, kung hindi man ganap na malutas, ang pagbaha sa kanilang lugar sa sandaling matapos ang proyekto.
Kabilang ang rehabilitasyon ng drainage canal sa mga priority project ng lokal na pamahalaan ng Manaoag, na pinondohan sa ilalim ng calamity fund sa patuloy na koordinasyon sa pamunuan ng Barangay Poblacion.
Layon ng proyekto na matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha at maisulong ang mas ligtas na kapaligiran para sa mga residente ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










