Isinusulong sa Mangaldan ang mas mahigpit na pangangalaga sa mga ilog, sapa, irrigation canals, at iba pang daluyan ng tubig sa pamamagitan ng panukalang Waterways Protection Ordinance.
Ayon sa ulat, tinalakay ang naturang panukala sa isang committee hearing na pinangunahan ng Committee on Agriculture, Fisheries and Aquatic Resources ng Sangguniang Bayan ng Mangaldan kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Nakasaad sa panukala ang mahigpit na pagbabawal sa iligal na pagtatapon ng basura, debris, at iba pang nakapipinsalang materyales na nagdudulot ng polusyon at pagbabara.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang patuloy na pagdumi at pagsisikip ng mga daluyan ng tubig ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha at nagdudulot din ng banta sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan.
Sa sandaling maisabatas, inaasahang maisusulong ng Waterways Protection Ordinance ang mga paraan para maisaayos ang mga daluyan ng tubig sa Mangaldan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








