
Tuluyang nahalal bilang presiding officer ng Senate Impeachment Court si Senator-judge Chiz Escudero.
Sa pagsisimula ng paglilitis ay agad na inilahad ni Senate President at Senator-judge Win Gatchalian ang paghahalal ng bagong presiding officer para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte salig na rin sa inaprubahan at inamyendahang Rule 2 Paragraph 2 ng rules of procedures on impeachment trials na siya namang tinutulan ni Senator-judge Alan Peter Cayetano.
Naunang iginiit ni Cayetano na batay sa Konstitusyon, malinaw na ang presiding officer sa impeachment trial ay ang Senate president alinsunod na rin sa section 3 paragraph 6 Article 11 ng 1987 Constitution.
Sinuportahan din ni Senator-judge Pia Cayetano ang posisyon ng kapatid sabay giit sa mga kapwa senador na gawin ng maayos ang kanilang trabaho bilang mga senator-judges.
Kinontra naman ito ni Senator-judge Kiko Pangilinan na hindi naman nasasaad sa Konstitusyon na dapat Senate president ang mag-preside ng impeachment trial ng bise presidente maliban na lamang kapag ang presidente ang impeachable officer ay dapat chief justice ang uupong presiding officer ng impeachment court.
Sa kabila ng mariing pagtutol ng mga senator-judges na kilalang mula sa minority bloc ng Senado, natuloy pa rin ang botohan para gawing presiding officer si Escudero sa botong 12 na pabor at 8 tutol.










