
Hiniling ni Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino ang pagpapatupad ng Archipelagic Sea Lanes Law na layong maiwasan ang mga insidente sa katubigan o sa sakop na teritoryo ng bansa.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng insidente sa Spratly Islands sa West Philippine Sea kung saan binangga ng hindi pa matukoy na barko ang fishing boat ng mga Pilipinong mangingisda.
Kinokondena ni Tolentino ang ginawang pagbangga sa bangka ng ating mga mangingisda sabay hirit sa Philippine Coast Guard na tugisin ang foreign vessel na nasa likod ng insidente.
Tinukoy ng Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones na itinatakda sa batas ang “sea lanes” na magsisilbing “expressways” sa mga dayuhang barko na dumadaan sa ating sakop na karagatan.
Ang pagkakaroon ng malinaw na sea lanes ay nagbibigay proteksyon sa ating mga mangingisda.
Umapela si Tolentino sa mga awtoridad na huwag tumigil sa paghahanap sa tatlo pang mangingisda na hanggang ngayon ay nawawala habang ang lima sa mga ito ay ligtas na matapos ang 17 araw na nagpalutang-lutang sa karagatan.