Ilang residente sa mga barangay ng Pugaro, Lomboy, Salapingao, Malued at Tambac sa Dagupan City ang patuloy na dumaraing sa mahinang pressure at aberya sa suplay ng tubig ngayong matinding tag-init.
Sa kabila nito, tiniyak ng PAMANA Water na hindi mawawalan ng tubig ang lungsod dahil mahigpit umano nilang binabantayan ang underground water supply.
Ayon sa naturang water service provider, hindi gaanong naaapektuhan ng init ng panahon ang kanilang pinagkukunan ng tubig dahil tuloy-tuloy ang thermal at water level monitoring para masigurong sapat ang produksyon ng tubig.
Gayunman, aminado ang water service provider na malaking hamon pa rin ang nakaraang rotational brownout dahil naapektuhan nito ang operasyon ng kanilang pumping system.
Sa Brgy. Malued, kabilang sa mga madalas ireklamo ang mahinang pressure kaya nagdagdag umano ng groundwayter source sa lugar.
Ipinunto ng kumpanya na mula sa “red PSI” noong Enero 2021, mas marami na ngayong bahagi ng Dagupan ang may mas maayos na water pressure nitong Mayo 2026.
Para naman sa mga reklamong natatanggap sa Pugaro, isiniwalat na nakatakdang magkaroon ng sariling pumping station ang lugar sa susunod na taon.
Dagdag pa ng kumpanya, nagpapatuloy ang kanilang monitoring maging sa gabi upang matiyak na hindi mawawalan ng suplay ng tubig ang mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










