Malacañang, nanindigang hindi binalewala ang kalusugan ni FPRRD; pag-aresto sa dating pangulo, hindi rin matatawag na state kidnapping!

Pinabulaanan ng Malacañang ang mga ulat na pinabayaan nila ang kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong arestuhin kahapon.

Giit ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro, binibigyang halaga pa rin ng pamahalaan ang pagiging dating pangulo ni Duterte kaya tiniyak nilang maayos na tinrato ang dating pangulo habang nasa kustodiya ito ng mga awtoridad.

Sa katunayan ay may mga kasama aniyang nurse, doktor at maging mga abogado ang dating pangulo.


Bumwelta rin ang Palasyo sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na “state kidnapping” ang pag-aresto ng Interpol sa kaniyang ama.

Ayon kay Castro, hindi maituturing na kidnapping ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil kumpleto ng dokumento at may basbas ito ng warrant mula sa mga awtoridad.

Maaari lang aniyang matawag na kidnapping ang insidente kung pwersahan o sapilitang binitbit ang dating pangulo nang walang awtoridad.

Hindi aniya pwedeng talikuran ang mga ganitong uri ng kautusan, lalo na kung legal at galing sa korte, kaya dapat lang na sundin ng gobyerno o sino mang sinisilbihan ng warrant.

Facebook Comments