Batay sa Mean of Platts Singapore trading at foreign exchange averages sa nakalipas na apat na araw, tinatayang nasa ₱10 hanggang ₱10.50 kada litro ang posibleng dagdag sa diesel, habang ₱4.50 hanggang ₱5 kada litro naman sa gasolina.
Ayon naman kay Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad sa isang panayam, nasa ₱5 kada litro ang maaaring itaas sa gasolina at humigit kumulang ₱10 kada litro sa diesel.
Para naman sa kerosene, tinatayang nasa ₱7 kada litro ang posibleng dagdag.
Iniuugnay ang inaasahang pagtaas sa pagsipa ng presyo ng langis matapos ang mga pag-atake sa Strait of Hormuz at Red Sea, na kabilang sa pinakamahahalagang rutang dinaraanan ng langis sa rehiyon.
Nakaragdag din sa pangamba sa suplay ang pag-atake sa East-West pipeline ng Saudi Arabia na nagresulta sa pansamantalang pagsasara ng sistema, gayundin ang mga pag-atake sa mga refinery sa Russia, na isa ring malaking supplier ng diesel.
Samantala, ngayong linggo, mahigit ₱5.60 kada litro ang itinaas sa gasolina, mahigit ₱4.30 kada litro sa diesel, at mahigit ₱4.60 kada litro sa kerosene.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustment tuwing Lunes, na ipinapatupad naman kinabukasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








