Mangingisda, nanawagan sa pamahalaan na pagtuunan ng higit na pansin ang isyu ng West Philippine Sea at mga problema sa pangingisda

59

Ibinahagi ng ilang mga mangingisda sa Cavite at Zambales ang hirap na kinahaharap ng mga ito dahil sa pagbaba ng kita, pagtaas ng presyo ng krudo at ang hirap sa paghuli ng isda sa West Philippine Sea.

Para kay Lydia Lorio, 40 na taon nang mangingisda, bukod sa problema sa mataas na presyo ng langis, dagdag na problema ang ilegal na pangingisda dito at ang pagpasok ng mga malalaking barko ng Tsina sa West Philippine Sea.

“Yun ang… masugpo namin ‘yang mga illegal fishing diyan. Dahil apektado kami. Kami lambat eh. Dahil lahat naman diyan sa mga illegal eh, lahat nahuhuli dahil may lambat sila sa ilalim eh pangkayod ng maliliit na isda. Lahat pati semilya dala,” ayon kay Lorio.


Sinangayunan ito ni Teresa Mondejar na mangingisda naman sa Zambales.

“Ngayon po hindi po masyado (ang kita namin) kasi po gawa po ng… ‘yung West Philippine Sea pinag-aagawan. ‘Yung mangingisda po natin dito na pumupunta doon binabawalan po sila.”

Sinabi naman ni Domingo Manarang, 40 na taon nang mangingisda, na kakaunti lamang ang nahuhuli nito at kung minsa’y hindi makapalaot dahil sa taas din ng presyo ng langis. Ayon pa sa kanya, kulang ang kinikita nito para sa pamilya.



“Abe, eh ‘di ka makakalaot, ‘di ka makakalabas pagka naano ‘yung epekto ng kuwan. Kaya kami minsan sa loob ng isang linggo, dalawang beses, tatlong beses ka lang makakalabas. Pagka wala kang nahuli eh di wala ka nang ibili ng gasolina. Lalo na ngayon ang gasolina eh 67 na yata isang 1.5,” ayon kay Manarang.

Nanawagan ang mga mangingisda na aksyunan ng gobyerno ang mga problemang kinahaharap nila sa overfishing ng Tsina sa dagat ng Pilipinas, at tulungan sila sa pagsasaayos ng mga bangka upang makapaghanapbuhay para sa mga pamilya nila.


Sabi ng mangingsdang si Ludy Atrero, “ang ano naming mahihirap huwag po nating payagan na makuha ‘yang West Philippine Sea natin mas bali ipagtanggol po natin at para lagi na tayong maraming makukuhang isda sa dagat.”

Ayon naman kay Rafael Mendoza, 61 taon nang nangingisda, dapat pang palakasin ng gobyerno ang batas para sa proteksyon ng mga mangingisda.

“Paigtingin ng law enforcer natin sa local at tsaka sa national tulad ng law enforcer nating Coast Guard, maritime police. Paigtingin ‘yung pangangalaga sa territorial water natin. Dahil kung ano ‘yung batas natin sana eh ‘yun ang masunod ng dayuhan,” dagdag pa niya.

Para matugunan ang mga problemang ito, nais ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) na maitatag ang Department of Fisheries. Layunin ng kagawaran na ito na pagtuonan ang problema at pangangailangan ng mga mangingisda sa bansa. Kailangan lamang ng pag apruba ng isang batas para dito.

“Ang maganda naman doon batay sa kwento ng iba, mayorya kahit nu’ng mga mambabatas at opisyal ng gobyerno mukhang kumbinsido na eh,” ang pagtitiyak naman ni Edicio de la Torre na presidente ng PRRM.

Facebook Comments