
Ipinakita ng Pamahalaang Lungsod ng San Carlos ang kanilang Mango-Bamboo Circular Economy Portfolio sa United Nations Development Programme (UNDP) 2026 Circular Solutions Demo Day at paglulunsad ng CSO Grants and Innovation Challenge na ginanap sa Maynila mula Hunyo 3 hanggang 5.
Pinagsama-sama ng tatlong araw na pagtitipon ang mga lokal na pamahalaan, development partners, innovators, civil society organizations, at iba pang stakeholder para magpakita ng mga makabagong paraan ng pagsusulong ng circular economy o sistemang naglalayong mabawasan ang basura sa pamamagitan ng muling paggamit ng mga ito at gawing lokal na produkto.
Sa naturang aktibidad, ipinresenta ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) at City Cooperative Entrepreneurship and Livelihood Development Office (CCELDO) ng San Carlos City ang Mango-Bamboo Circular Economy Portfolio ng lungsod.
Itinampok sa programa kung paano ginagamit ng lungsod ang kasaganaan nito sa mangga at kawayan bilang oportunidad sa kabuhayan sa pamamagitan ng value-added processing, resource recovery, waste utilization, enterprise development, at mga pamamaraang makakalikasan sa produksyon.
Ayon sa lungsod, layunin ng inisyatiba na magamit ang mga lokal na yaman habang binabawasan ang basura at lumilikha ng mas maraming pagkakakitaan para sa komunidad gamit ang mga produktong kilala at sagana sa kanilang lugar gaya ng mangga at kawayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










